“SEEDLINGS OF HOPE: PLANT NURSERY ESTABLISHMENT” CONTEST


22 BAYAN AT LUNGSOD SA CAGAYAN, KUMPIRMADONG SASALI SA INILUNSAD NG PGC NA “SEEDLINGS OF HOPE: PLANT NURSERY ESTABLISHMENT” CONTEST
Nabigay na ng kumpirmasyon ang dalawampu’t dalawang (22) bayan at lungsod sa lalawigan para sumali sa patimpalak na inilunsad kamakailan ng Provincial Government of Cagayan (PGC) na “Seedlings of HOPE: Plant Nursery Establishment.”
Sinabi ni Pearlita Lucia P. Mabasa, Provincial Agriculturist ng Cagayan na matapos maibigay sa lahat ng Local Government Units (LGUs) ang confirmation slip sa patimpalak ay 22 dito ang nagpaabot ng kanilang pagsali. Sa 1st District ay anim (6) na bayan ang sasali na kinabibilangan ng Aparri, Baggao, Camalaniugan, Lal-lo, Sta. Ana at Sta. Teresita.
Sumang-ayon naman ang sampung (10) bayan sa 2nd District at ito ay ang Calayan, Piat, Allacapan, Lasam, Sanchez Mira, Claveria, Ballesteros, Rizal, Sta. Praxedes at Sto Nino.
Nagpaabot na rin umano ng pagsali ang anim (6) na bayan at lungsod tulad ng Amulung, Enrile, Iguig, Solana Tuao at Tuguegarao City. Habang ang Penablanca lamang sa 3rd District ang hindi pa nagkumpirma na makilahok sa plant nursery contest.
Ayon pa kay Mabasa na nakatakda na rin ang validation ng mga lugar upang masegurong pasok sa pamantayan ang mga itatayong nursery ng mga LGUs tulad ng naitakadang erya na 0.5 hanggang 1.0 ektarya, may magandang supply ng tubig at matibay na bakod, may punlang bamboo, fruit-bearing trees, iba’t ibang gulay at mga ornamental plants.
Umaasa si Mabasa na sa mga darating na araw ay makakapagbigay rin ng kumpirmasyon ang natitirang pitong (7) bayan para makiisa sa paligsahan na Search for the Best Municipal Integrated Plant Nursery. Ang mananalo aniya ay magkakamit ng P3 milyon, ang 2nd runner up ay P2 milyon at P1 milyon para sa 3rd runner up. Kabilang rin dito ang special awards tulad ng Best Bamboo Nurrsery, Best Forest Nursery at Best Ornamental Nursery kung saan ay mabibigyan ng tig-P500,000. Ang awarding para sa may pinakamagandang nursery ay isasagawa sa buwan ng Hulyo ng taong 2022.
Matatandaan na inilunsad ng PGC ang naturang patimpalak sa isang zoom activity na pinangunahan ni Governor Manuel N. Mamba. Nakatuon ang paligsahan sa programa ng PGC na restorasyon ng Ilog Cagayan maging ang inisyatibong mapangalagaan ang kalikasan at maibsan ang pagbabaha sa Cagayan. Layon din nito na matiyak ang food production at security ng lalawigan sa pamamagitan ng pagpupunla at pagtatanim.
(Susan L. Mapa)

Municipality of Claveria, Cagayan


Copyright © 2017. Municipality of Claveria, Province of Cagayan. All rights reserved 2017.
Official Website of Claveria Municipality, Province of Cagayan North