
Operational na ang Provincial Command Post sa bayan ng Claveria
PROVINCIAL COMMAND POST NA MANGANGASIWA NG LUMALALANG PAGDAMI NG COVID-19 SA CLAVERIA, OPERATIONAL
Operational na ang Provincial Command Post sa bayan ng Claveria na siyang magtitimon dito, dahil sa paglala ng problema sa Covid-19. Ito ay matapos ipag-utos ni Governor Manuel Mamba ang pagtatayo nito dahil na din sa kawalan ng kakayahan ni Mayor Celia Layus na manduhan ang problema sa paglobo ng mga kaso sa nasabing bayan. Agad naman itong tinugunan ni Provincial Health Officer na si Dr. Carlos Cortina III na siyang mamumuno sa Provincial Command Post.
Nagsagawa rin ng pagpapatrolya kahapon, ika-25 ng Hulyo ang pinagsamang pwersa ng Philippine Marines na nakabase sa Sanchez Mira sa pamumuno ni Lt. Francis Ramirez, Claveria Police Station, Municipal Health Office, Task Force Lingkod Cagayan, kasama ang CPIO sa mga barangay na may matataas na bilang ng aktibong kaso ng Covid-19 bilang bahagi pa rin ng maigting na pagpapatupad sa quarantine protocols sa nasabing bayan.
Nagpatawag rin ng Municipal Inter-Agency Task Force Meeting si Dr. Cortina kasama si Municipal Health Officer Dr. Melrose Tangonan upang talakayin ang mga naging ugat ng paglala ng Covid-19 sa nasabing bayan at kung papaano ito masolusyonan.
Dito rin natuklasan na mayroong 106 na Covid-19 positive ang naka-home quarantine na noon ay inireport na nasa Barangay Isolation Unit Extension.
Dahil dito ay naisipan ni Dr. Cortina at ng Municipal IATF na gamitin ang mga eskwelahan na pagdadalhan sa mga naka-home isolation matapos mapuno na ang mga Isolation Units ng mga barangay na may maraming active cases.
Nagsagawa na rin ng inspeksyon sina Dr. Cortina at MHO Dr. Tangonan sa mga eskwelahan na gagamiting isolation facilities matapos itong aprubahan ng Kagawaran ng Edukasyon. Patuloy naman ang monitoring at aksyon ng Provincial Command Post sa bayan ng Claveria sa ngayon upang matiyak na hindi na lumala pa ang mga kaso dito.
(BERNADETH HERALDE)