
MGA ESTABLISIMENTONG MAGBUBUKAS SA PANAHON NG GCQ, KAILANGANG SUMUNOD SA PUBLIC HEALTH STANDARDS
Dahil sa pagtawid ng lalawigan ng Cagayan mula Enhanced Community Quarantine (ECQ) patungong General Community Quarantine (GCQ) simula bukas, ika-1 ng Mayo, taong 2020 na epektibo hanggang ika-15 ng Mayo, pinirmahan ngayong araw ni Gob. Manuel N. Mamba ang Executive Order No. 19, series of 2020, ang ordinansa na naglalaman ng mga panuntunan na gagabay sa pagsasailalim ng lalawigan sa GCQ o ang unti-unting pagbabalik sa bagong normal na pamumuhay ng mga Cagayano.
Saklaw ng EO no. 19 ang talaan ng mga establisimentong maaari nang magbukas sa ilalim ng GCQ, ngunit kinakailangan na ang mga negosyong ito ay sumailalim sa Minimum Public Health Standards set by the Provincial Government (MPHSP) at Local Public Health Standards (LPHS) na inorganisa ng Pamahalaang Panlalawigan batay sa rekomendasyon ng Department of Health.
Kabilang sa mga establisimentong maaari nang magbukas ay mga grocery stores, supermarkets, hypermarkets, convenience stores, public markets, parmasiya, at drug stores.
Pinapayagan na rin ang operasyon ng mga malls ngunit tanging mga supermarket, parmasiya, drug stores, hardware stores, clothing, accessories at non-leisure stores lamang nito ang pinahihintulutang magbukas.
Dagdag pa sa mga establisimentong ito ang water stations, gas stations, laundry shops, barbershops, salon, spa, at iba pang industriyang nagbibigay-serbisyo sa pangunahing pangangailangan ng mga tao.
Ang mga minimum at local public health standards na kinakailangang sundin ng mga establisimentong nabanggit batay sa rekomendasyon ng DOH ay ang istriktong pagpapatupad ng social o physical distancing, pagsusuot ng face mask, paglalaan ng mga disinfectants katulad ng alcohol, at pag-iwas sa mass gatherings o malawakang pagtitipon.
Kasama din dito ang cough etiquette, personal hygiene, environmental hygiene, paggamit ng Personal Protective Equipments (PPEs), at hindi pagpapalabas sa mga taong mabilis kapitan ng sakit tulad ng senior citizens, edad 0-20 taon, mga buntis o nagpapasusong-ina.
Batay pa rin sa EO no.19, 10% hanggang 50% lamang na mga manggagawa ang maaaring pumasok sa bawat establisimento. Maaari lamang payagan ng mga lokal na pamahalaan ang pagkakaroon ng higit 50% na manggagawa sa bawat sektor sakaling bumaba o tuluyan ng mawala ang kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Samantala, mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagbubukas ng mga gym o sports facilities, sinehan, bars, pagkakaroon ng concert, piyesta, palabas, kumperensiya, workshops, pagsusugal, at pagsasawa ng mga karaniwang aktibidad ng iba’t ibang organisasyon.
(Dianne Hannaly Aquino)