
LAHAT NG IBIG MAGBALIK CAGAYAN KAILANGAN NA ISAILALIM SA PCR TESTING
“LAHAT NG IBIG MAGBALIK CAGAYAN KAILANGAN NA ISAILALIM SA PCR TESTING” -GOV. MAMBA
Mabusising inaaral ngayon ng pamunuan ni Governor Manuel N. Mamba ang posibilidad na sumailalim sa Polymerase Chain Reaction (PCR) testing ang lahat ng ibig magbalik-Cagayan para matiyak ang kanilang Covid-19 status.
Ayon sa Kagawaran ng Kalusugan ang PCR-based test kits ang pinakamabisang paraan ng pag-detect ng Covid-19 virus. Ang resulta nito ay tiyak na may kasiguraduhan kaya nalalaman agad kung positive o negative sa virus ang isang indibidwal.
Ang Rapid anti-body test kit na kasalukuyang ginagamit ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ay hindi ang ang virus mismo ang nade-detect nito kundi ang anti-bodies na ginagawa ng ating katawan upang labanan ang virus.
Dahil dito, sinabi ni Gob. Mamba na malaking tulong ang PRC testing kit sa oras na magsidatingan na ang mga mamamayan na matutulungan ng “Balik-Cagayan Program.”
Sa ngayon, tinitignan ang posibilidad na makabili ang Pamahalaang Panlalawigan ng sampung libong (10,000) piraso ng PCR testing kit sa isang pribadong laboratoryo. Tinatayang nagkakahalaga ng anim na libong (P6,000) piso ang halaga ng isang pirasong PCR testing kit.
Kaugnay nito, umaasa ang Gobernador na makikipagtulungan ang mga alkalde sa Cagayan sa pagbili ng PCR testing kit para sa kaligtasan ng sambayanang Cagayano habang hindi pa naaaprubahan ang aplikasyon ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) para maging testing center ng Rehiyon Dos.
Matatandaan na kamakailan ay nagsumite ng aplikasyon ang CVMC para maging testing center ng Rehiyon Dos sa layuning mapabilis ang resulta ng mga laboratory o swab test result ng mga Covid-19 patients. Sa oras na maaprubahan ang nasabing applikasyon magkakaroon ang CVMC ng RT-PCR Machine na maaring gamitin upang mas mabilis masuri ang Covid-19 status ng mga gustong magpatest.
Sinabi din ng Gobernador na ang mga magbabalik probinsiya na magnenegatibo sa PCR testing ay hindi na kailangan pang sumailalim sa mandatory quarantine, bagkus maaari na silang diretsong umuwi sa kanilang mga tahanan.
Ang mga magpopositibo naman ay agad dadalhin sa CVMC at agad namang isasagawa ang contact tracing.
“Mahalaga na magkaroon ng PCR testing kit ang probinsiya upang mabilisan ang pagpapauwi sa mga stranded na Cagayano dahil kung walang PCR testing kit awtomatik na sasailalim sila sa mandatory quarantine procedure,” paliwanag ng ama ng Cagayan.
Samantala, habang tinututukan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang pagkakaroon ng PCR testing kit ay kasalukuyan namang inaayos at riniribisa ang mga alituntunin sa “Balik-Cagayan Program.”
“Maghintay lang tayo dahil may mga mekanismo tayong gagawin upang maging mas sistematiko ang pagbabalik ninyo sa probinsiya para na rin maging ligtas ang lahat sa Covid-19,” giit ng ama ng lalawigan. (Reden L. De los Santos)