
GRUPO NG MGA DOLPHINS, NASAGIP NG MGA RESIDENTE SA DODAN, APARRI
Nasagip ng mga residente ng barangay Dodan sa bayan ng Aparri ang pod ng dolphins sa karagatang bahagi ng nasabing bayan.
Sa ulat mula sa PNP-Aparri, isang impormasyon ang kanila umanong natanggap mula sa DA-BFAR 02 Cagayan Provincial Fisheries Office (PFO) kaugnay sa nakulong na dolphins sa lambat ng isang mangingisda na nagngangalang Domingo Sumer.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng PFO na sina Fhelie Paraggua at technical staff na sinanay sa Marine Mammal Stranding and Rescue Operations kung saan ligtas na pinakawalan ang nasa anim na mga dolphin.
Kaugnay nito isa pang impormasyon ang natanggap umano ng PNP-Aparri kaugnay naman sa isang pawikan na napadpad sa dalampasigan ng barangay Paddaya sa kapareho ding bayan. Agad din naman pinakawalan ang nasabing pawikan.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Dr. Jefferson Soriano, Focal person ng DA-BFAR 2 Marine Mammal Stranding and Rescue Operations Task Force na ang mga marine mammal ay maaring ma-stranded sa iba’t ibang dahilan katulad na lamang sa pagkakatali sa mga gamit ng mga mangingisda o possible rin sa mga hindi pangkaraniwang panahon o pangyayari sa karagatan katulad ng lindol at iba pa. (BERNADETH HERALDE)
(Photo courtesy of Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 02)