
ALIS AT BALIK CAGAYAN PROGRAM NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN, PANSAMANTALANG SUSPENDIDO
Suspendido pansamantala ang programang Alis at Balik Cagayan Program ng Pamahalaang Panlalawigan dahil sa pagkakalagay ng Metro Manila sa estado ng Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ.
Sa panayam kay Ret. Col. Atanacio Macalan Jr. ang hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na siyang nangangasiwa ng programang Alis Cagayan, sinabi nito na sa pamamagitan ng ugnayan ng Pamahalaang Panlalawigan sa Cagayan Police Provincial Office (CPPO) ay napag-alaman nito na may pag-uutos mula sa National Headquarters ng PNP na wala munang bus o anumang klaseng mga pampublikong sasakyan ang maaring pumasok sa loob ng Metro Manila.
Dahil sa kautusang pagbabawal pansamantala sa mga byahe papuntang Metro Manila ay kanilang sinususpinde ang Alis Cagayan Program.
Samantala, maging ang programang Balik Cagayan ng PGC ay masususpinde din pansamantala kagaya ng Alis Cagayan.
Sa panayam kay Michael Pinto, hepe ng Cagayan Provincial Learning and Resource Center at pinuno ng Technical Working Group ng Balik Cagayan, sinabi nito na maging ang naturang programa ay pansamantalang ihihinto sa kaparehong dahilan.
Dagdag pa ni Pinto na kanyang napag-alaman na walang pinapayagang byahe palabas ng Metro Manila maliban sa mga Authorized Persons Outside Residence o APOR kung kaya ay pansamatala ay kailangang masuspinde ang Balik Cagayan.
Sinabi naman ni Col. Macalan at Pinto na kanilang pakababantayan ang sitwasyon upang sakaling maalis na sa estadong MECQ ang Metro Manila ay muli nilang buksan ang programang Alis at Balik Cagayan.
Sa datos ng Pamahalaang Panlalawigan ay may 1,242 ng mga LSI ang nakabalik sa Cagayan samantalang 1,218 ang bilang ng mga LSI ang nakaalis na sa Cagayan. (Eugene Carlo C. Tolosa)